Sa ulat na ipinarating kay P/Senior Supt. Ceasar Javier, police provincial director ng Nueva Vizcaya, nakilala ang biktimang namatay na si Mario Bayuca, habang malubha naman nasugatan ang kasamahang si Andre Cabaionga na kapwa residente ng San Vicente, Ilagan, Isabela.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabagtas ng nasabing trak (RDK-755) ni Bayuca ang kahabaan ng national highway sa Sitio Hilltop, Barangay Nagsabaran nang biglang sumabit sa mababang kable ng kuryente matapos matumba ang poste na pinag-kabitan dahil sa lakas ng ulan at hangin.
Dahil dito sinubukan ng dalawang biktima na tanggalin sana ang kable ng kuryente, subalit kapwa sila nakuryente at nasunog dahil sa lakas ng boltahe na pumasok sa kanilang katawan habang kalakasan naman ang hangin at buhos ng ulan.
Kaugnay nito, nadiskubre naman ng mga awtoridad na ang nasabing trak ay naglalaman pala ng 15,000 board feet na mga first class na kahoy na pag-aari ng isang Digna Abad, kilalang negosyante ng kahoy sa Isabela.
Sa kasalukuyan ay masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya kaugnay sa pangyayari kabilang na ang mga kargamento na lulan ng trak kung ang mga ito ay may kaukulang papeles. (Victor Martin)