Militar vs Abu: 2 opisyal ng AFP patay

CAMP AGUINALDO – Dalawang tinyente ng Armed Forces of the Phils. (AFP), ang iniulat na napatay, habang 24 pa ang nasugatan sa panibagong bakbakan sa pagitan ng militar at grupong bandidong Abu Sayyaf sa magkakahiwalay na insidente sa Sulu, kamakalawa.

Sa ulat ni Major Eugene Batara, PIO ng AFP-Western Mindanao Command, naitala ang unang engkuwentro noong Lunes ng umaga sa Barangay Tugas, Patikul na tumagal ng 20-minutong bakbakan na ikinasugat ng limang sundalo ng Philippine Marines sa ilalim ng 5th Marine Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Herbert Escalera

Napag-alamang binalikan ng mga sundalo ang lugar na pinangyarihan ng bakbakan, subalit agad silang sinalubong ng isa pang pangkat ng mga bandidong Sayyaf hanggang sa magkabanatan at napatay ang isang tinyente ng Phil. Marines na hindi muna ibinunyag ang pangalan.

Sa magubat na Barangay Lantong, Maimbung, Sulu ay nakasagupa rin ng militar ang grupo ng bandido at napatay ang isa pang tinyente ng Phil. Army at ikinasugat ng 19 sundalo. (Joy Cantos)

Show comments