Sa ulat, nadiskubre ang nakawan matapos na mawala ang tanglaw ng ilaw sa nasabing landing point ng paliparan, ng mga piloto mula sa Philippine Airlines (PAL) bandang alas-6 ng gabi.
Sinasabing hindi man lamang napansin ng mga airport security personnel at mga empleyado nito sa tower ng paliparan, ang nagaganap na nakawan.
Base sa ulat na ipinarating ng Caraga Police Regional Office, napansin ng mga piloto ng eroplano, na madilim ang runway 12, kung saan madilim ang paligid at halos nasa zero visibility dahil sa sama ng panahon.
Agad namang ipinaalam sa control tower ng mga piloto, subalit iginiit naman ng mga tower personnel na kanila nang sinindihan ang naturang mga ilaw.
Dahil dito, laking gulat ng mga opisyal nang matiyak ng mga security personnel na grounded na lahat ng ilaw at mismong kable ng mga ito ay nawawala.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Airport Transport Office (ATO) ang insidente ng nakawan, na sinasabing hindi man lamang napansin kahit mahigpit ang ipinatutupad na security measures. (Joy Cantos)