3 kawatan ng kable timbog
September 14, 2006 | 12:00am
MARIVELES, Bataan Tatlong kalalakihan ang dinakip ng mga alagad ng batas makaraang maaktuhang bitbit ang ninakaw na kable ng telepono sa loob ng Bataan Economic Zone sa bayan ng Mariveles, Bataan kamakalawa. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal at sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Felix Baclay, 43, ng Sitio Tapside, Barangay Camaya; Joselito Viray ng Barangay Sisiman at Nino Agane, 29, ng Baseco Compound ng nabanggit na bayan. Narekober ng mga tauhan ni Capt. Alberto de Guzman mula sa mga suspek ang 50 metro ng kable ng telepono na pag-aari ng Oceanic Wireless Network, lagare ng bakal, mga pamputol ng kable at sasakyan. (Jonie Capalaran)
TANAUAN CITY, Batangas Bulagta ang isang 40-anyos na lalaki na pinaniniwalaang notoryus na holdaper makaraang makipagbarilan sa pulisya, habang nasakote naman ang kasabwat nito sa C. Garcia Street, Barangay Kuwatro, Tanauan City, Batangas kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang napatay na holdaper na si Tony Badal ng Lopez, Quezon at may nakabinbing kasong kriminal. Samantala, arestado naman ang isa pang suspek na si Jaypee Masongsong, 25, ng Barangay Tinurik, Tanauan City. Ayon kay P/Supt. Francisco "Kit" Rodriguez, hinoldap ng dalawa ang isang misis, subalit namataan naman ng mga pulisya na nagpapatrulya sa nabanggit na lugar. Imbes na sumuko ay nakipagbarilan pa si Badal kaya napatay, habang sugatan naman si Masongsong. (Arnell Ozaeta)
CAVITE Isang 26-anyos na misis ang iniulat na nasawi habang nasa kritikal na kalagayan ang mister at dalawang anak nito makaraang sumemplang ang motorsiklo ng mga biktima sa kahabaan ng General Trias-Amadeo Road sa Barangay Biclatan, General Trias, Cavite kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Shirley Collada, habang ginagamot sa Dela Salle Medical Center ang mga sugatang sina Eduardo Collada, 26; Joshua, 5 at Ken, 4, pawang naninirahan sa Barangay Javalera ng nabanggit na bayan. Ayon sa pulisya, magkakaangkas ang mga biktima sa motorsiklo (OF-9276) nang biglang sumulpot sa kanilang unahan ang bisikleta kaya umiwas ito, subalit nawalan ng balanse at sumemplang. (Cristina Timbang)
CABIAO, Nueva Ecija Kalaboso ang binagsakan ng isang illegal recruiter makaraang arestuhin ng mga naging biktima nito sa Barangay Concepcion sa bayan ng Cabiao, Nueva Ecija noong Martes ng gabi. Kasalukuyang nasa himpilan ng pulisya at inihahanda ang mga ebidensya laban sa suspek na si Zenaida B. Manuel, manager ng JCF Recruitment Service #1360 Renador Building, Leon Guinto St., Ermita, Manila. Napag-alamang bumalik ang suspek sa nabanggit na bayan upang mangolekta ng pera sa bagong aplikante, subalit namataan naman ng mga dating naging biktima ng illegal recruiter kaya ipinagbigay-alam kay Barangay Chairman Romeo Binuya. Hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin at dalhin sa pulisya. (Christian Ryan Sta. Ana)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended