Sa isang pahinang liham na ipinadala ni Mayor Romeo Estrella kay P/Senior Supt. Benedict Michael Fokno kahapon, sinabi ng alkalde na dapat na sibakin sa puwesto ang police chief na si P/Supt. Jolly Dizon at buong puwersa ng team na sangkot sa rub-out ng apat na sibilyan.
Ang kahilingang ito ay dahil na rin sa laganap na pananaw ng mga residente na may cover-up o pagtatakip sa ginawang imbestigasyon ng Baliuag PNP sa naturang insidente.
Gayon pa man, marami pa rin ang hindi kumbinsido sa ipapalabas sa ulat ng pulisya dahil hanggang sa kasalukuyan ay walang anumang ulat ang pulisya ng Baliuag sa opisina ng nabanggit na alkalde.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Bulacan Gov. Josie dela Cruz sa pulisya ng Bulacan dahil sa hindi magandang performance ng mga ito sa kabila ng kanyang ibinigay na suporta.
Samantala, nailibing na noong linggo ng hapon ang apat na sibilyang biktima ng rub-out matapos sumailalim sa awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI), samantalang hindi pa inilalabas ng pulisya ang resulta ng autopsy report na isinagawa ng Scene of the Crime Operatives.
Kinondena ng mga kaanak ang kapulisan sa Baliuag dahil sa mala-berdugong pagpatay sa apat na sibilyan.
Ilan sa mga residente ang nagdala ng placard na humihiling ng katarungan, ang ilan naman ay nagsasabi ng "crime well done, justice not done," "Pinatay Pa, Ninakawan na, Pinasama Pa."
Ayon pa sa kaanak ni Piosca, maging ang mamahaling kuwintas ni Danilo Piosca na nagkakahalaga ng P30,000 at mamahaling cellular phone nito ay nawala matapos patayin ng mga tauhan ni Fokno. (Dino Balabo)