Negosyante pinabulagta
September 9, 2006 | 12:00am
UNISAN, Quezon Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 23-anyos na negosyanteng misis makaraang barilin ng isa sa dalawang lalaki sa Barangay Rajah Soliman, Unisan, Quezon kamakalawa. Sa kanang bahagi ng tenga napuruhan ang biktimang si Rosalyn Pantao ng Barangay Poblacion, samantala, agad namang nadakip ang mga suspek na sina Rudy Cortez Tolentino, 42, confidential agent ng Laguna PNP; at Allan Punperada, 32, kapwa residente ng Barangay Makiling, Calamba City. Sa ulat ng pulisya, naglalakad ang biktima patungo sa kanyang tindahan sa palengke nang harangin at paslangin ng mga suspek saka tumakas sakay ng kulay puting kotse na may plakang NNH-440. (Tony Sandoval)
CALUMPIT, Bulacan Pinahirapan muna saka pinaslang ang isang 48-anyos na katiwala sa palaisdaan makaraang dukutin ng mga armadong kalalakihan sa Barangay San Roque, Hagonoy noong Agosto 30. Natagpuan sa bahagi ng Calumpit-Pulilan Road ang bangkay ni Napoleon Bautista na may tama ng bala ng baril sa ulo, nakagapos ang mga kamay na may hawak pang granada. Napag-alamang kinidnap ang biktima habang nagbabantay sa palaisdaan sa nabanggit na barangay. May posibilidad na inakalang espiya ng gobyerno ang biktima kaya pinatahimik, habang sinisilip ng pulisya ang anggulong inggitan sa trabaho ang isa sa motibo ng krimen. (Dino Balabo)
SUBIC BAY FREEPORT Matinding kahihiyan ang sinapit ng isang foreign investor matapos itong hindi payagan ng Subic Bay Golf and Country Club management na makapaglaro sa isang torneo kahapon. Ang sinapit na karanasan ni Rashedul Chowdhury, vice president for operations ng DJ Aerospace, Inc. ay nasaksihan ng iba pang negosyante sa loob ng Subic Bay Freeport. "Ako ay inimbitahan ng organizers ng torneo, subalit tumanggi ang pamunuan ng Subic Bay Golf and Country Club," ani Chowdhury. Hindi naman nakuha ang pahayag ng mga opisyal ng Subic Bay Golf and Country Club. (Jeff Tombado)
CAMP CRAME Dalawang pulis ang kumpirmadong nasawi makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa likurang bahagi ng trailer truck sa Km. 11, Sasa, Davao City kamakalawa ng madaling-araw. Kinilala ang mga nasawi na sina SPO4 Jose Sabio at PO2 Jarius Lloyd Mirasol, kapwa miyembro ng Sasa Police Station. Nagmamaniobra ang trak ng Sendai Motor Sales na minamaneho ni Ronnie Libron Licera sa gate ng Emelou Trucking nang sumalpok sa likurang bahagi nito ang rumaragasang na Honda Civic ng mga biktima. Lumitaw naman sa pagsisiyasat na walang reflector, signal at taillights ang naturang truck kaya nahaharap sa kasong kriminal ang drayber. (Joy Cantos)
CAMP CRAME Tinambangang at napatay ang isang kawani ng National Irrigation Administration (NIA) Regional Office ng mga rebeldeng New Peoples Army habang ang biktima ay lulan ng motorsiklo at bumabagtas sa kahabaan ng Barangay Nuevo Iloco, Mawab, Compostella Valley kamakalawa. Nagtamo ng maraming tama ng bala ng malalakas na kalibre ng baril ang katawan ni Roberto Placencia. Nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan ang dalawang kaangkas sa motorsiklo ni Placencia. Sinisilip ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pamamaslang. (Joy Cantos)
BULACAN Ipamamalas ng mga lokal na pyrotechnician ang kanilang world-class na produkto sa dalawang araw na Aerial Fireworks Display Competition na gaganapin ngayon sa bayan ng Marilao, Bulacan. Inaasahang magdadagsaan ng kulay at kinang ang kompetisyon na tinaguriang "Pasiklaban" para sa sangbuwang selebrasyon ng Buwan ng Bulacan na nagsimula noong Agosto 15 hanggang Sept. 15. Bukas ang Pasiklaban na inorganisa ng PCEDO at Pyrotechnics Regulatory Board para sa lahat ng fireworks manufacturers, shooters at dealers mula sa ibat ibang lalawigan at lungsod. Bilang karagdagang atraksyon, isang concert na kinatatampukan ng mga coolest at hippest band ng bansa ang magbibigay sigla habang nagaganap ang fireworks competition.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended