Trader itinumba habang nagdya-jogging

ABUCAY, Bataan — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong hindi kilalang kalalakihan ang isang negosyante habang nagdya-jogging kasama ang kanyang misis sa Sitio El Grego, Barangay Calaylayan Abucay, Bataan kamakalawa.

Dead-on-the-spot ang biktima na kinilala ni P/Senior Supt Hernando Zafra na si Alfredo Soriano y Yumol ng nabanggit na barangay.

Lumitaw sa pagsisiyasat ni PO1 Jonathan Tupal, dakong alas-8 ng umaga nang mag-jogging ang mag-asawa at makasalubong ang tatlong kalalakihang armado ng matataas na kalibre ng baril.

Napag-alamang nagtanong ang babae sa kanyang mister kung kakilala ang mga armadong kalalakihan.

Sumagot ang biktima na "mga kaibigan ang mga iyan," subali’t hindi pa sila nakakalayo ay umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok ng baril at duguang bumulagta ang biktima.

Hindi naman tinamaan ng ligaw na bala ng baril ang asawa ng biktima na nagtamo ng tatlong tama sa katawan. Agad naman tumakas ang mga suspek na palakad na animo’y walang naganap na krimen. (Jonie Capalaran)

Show comments