Alternatibong trabaho ibibigay ng DOLE sa taga-Guimaras, Bikol

Pinag-aaralan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay ng alternatibong trabaho sa libu-libong residente na apektado ng pagtagas ng langis sa Guimaras at nag-aalborotong bulkang Mayon sa Bikol.

Ayon sa DOLE, nagpadala na sila ng kanilang mga eksperto sa Guimaras at Bicol region upang pag-aralan ang maaaring maibigay na trabaho sa mga residente na lubhang naapektuhan ng mga kalamidad gaya ng oil spill at dulot ng pag-alboroto ng bulkang Mayon.

Sinabi ni Labor Usec. Danilo Cruz, ang resulta ng kanilang pag-aaral ang magiging basehan kung anong uri ng "livelihood training" at alternatibong trabaho ang maaari nilang maibigay sa mga mangingisda sa Guimaras at mga magsasaka sa Bicol na nawalan ng hanapbuhay.

Pamumunuan ni Alex Maranan, director ng Bureau of Rural Workers ang grupo kasama ang mga direktor mula sa DOLE Region 5 at 6, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at kinatawan ng Bureau of Local Employment at Occupational Safety and Health Center (DSHC).

Makikipag-ugnayan ang naturang grupo sa lokal na pamahalaan ng Guimaras at Bicol region para madetermina ang kasalukuyan at pangmatagalang epekto ng oil spill sa Guimaras at pagsabog ng Mt. Mayon.

Inarkila na rin ng Petron Corporation, may-ari ng may mahigit sa 2 milyong litrong bunker fuel na laman ng lumubog na M/T Solar 1 ang daan-daang residente sa Guimaras upang maglinis sa tumagas na langis katumbas ng P200-P300 suweldo kada araw. (Danilo Garcia)

Show comments