Sa ulat ng National Irrigation Administration (NIA), aabot na sa 7,000 ektaryang palayan ang apektado ng tungro, isang uri ng virus outbreak na sumisira sa mga pananim na palay.
Ayon kay Porfirio Reyes ng NIA- Magat River Integrated Irrigation System, pinakamalaking pinsala ang naitala sa katimugang bahagi ng nabanggit na lalawigan kung saan umaabot sa 3,000 ektaryang palayan, kasunod ang Mallig plains na may 1,711 ektarya kabilang na rin ang ilang palayan sa mga bayan ng Roxas, Mallig, Quezon, Quirino at Burgos.
Kasunod ang mga bayan ng San Mateo, Aurora, San Guillermo, San Isidro at Cauayan City na may 1,696 ektarya ang sinira ng tungro kabilang na rin ang 741 ektarya mula sa hilagang bahagi naman ng nabanggit na lalawigan.
Ayon sa pagsusuri, matinding tinamaan ng tungro ang mga palay na naitanim nitong buwan ng Hulyo at Agosto kung saan tinatayang umaabot na sa 630,000 cavans ang nawala dahil sa pagsalanta ng nasabing peste.
Ayon naman kay Danilo Tumamao, provincial agriculture officer, kasalukuyan ngayong pinag-aaralan ng kanilang tanggapan ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing outbreak sa palayan at kung paano matutulungan ang mga magsasaka. (Victor Martin)