Tiktik ng militar dinukot
CAMP CRAME Isang karpintero na pinaniniwalaang tiktik ng militar ang iniulat na dinukot ng mga armadong Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Daplawan, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Pilot Luminda ng Shariff Aguak, Maguindanao. Ayon sa ulat ng pulisya, ang biktima ay nagmomotorsiklo nang harangin ng mga armadong kalalakihan na pinamumunuan ni Commander Cristal ng MILFs 105th Brigade. Walang nagawa ang biktima kundi ang sumama sa nabanggit na grupo patungo sa direksyon ng Sitio Talapas, Barangay Datu Urugay. (Joy Cantos)
ANTIPOLO CITY, Rizal Maagang kinarit ni kamatayan ang isang 25-anyos na lalaki makaraang pagsasaksakin ng kainumang matadero na ikinasugat naman ng isa pa sa Barangay Mambugan, Antipolo City, kamakalawa ng hapon. Hindi na naisugod sa ospital ang nasawing biktimang si Ricardo Enano Jr., samantalang nasa Amang Rodriguez Medical Center ang sugatang si Jonathan Alvarez, 25, kapwa residente ng Sitio Labanan ng nabanggit na barangay. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Roberto Domingo, 30, kapitbahay ng mga biktima. Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, magkakasamang nag-iinuman ng alak ang tatlo nang akusahan ng suspek ang mga biktima na magnanakaw ng kable ng kuryente sa kanilang lugar hanggang sa mauwi sa krimen. (Edwin Balasa)