Ang mga naaresto ay kinilalang sina Randel Monarez, officer in-charge ng Blue Eagle Security Inc. at Peter Tagologon, ng Thunderbird Security Services.
Ayon kay Supt. Falviano Baltazar, hepe ng CIDG-Laguna, si Monares ang itinuturing na mastermind at nakatalaga bilang sekyu ng Waltermart Mall sa Brgy. Real, Calamba City.
Sinabi ni Baltazar na agad na nagtungo ang kanyang mga tauhan sa Domestic Airport sa NAIA, Pasay City matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Aviation Security Group (ASG) personnels na si Tagologon ay pasakay patungong Zamboanga City bitbit ang isang bag na naglalaman ng halagang P199,000 na parte nito sa ninakaw sa bangko.
Matapos na madakip si Tagologon, inamin nito sa interogasyon ang kanyang partisipasyon sa P5 robbery sa Calamba City at ikinanta ang mga pangalan ng kanyang mga kasamahan sa panghoholdap kabilang na si Monarez na siyang utak umano ng kanilang grupo. Nadakip din si Monarez sa isinagawang follow-up operation.
Nagsasagawa pa ng pursuit operation ang CIDG laban sa isa pang suspek na si Marvin Larola, ng Mamatid, Cabuyao at sekyu ng East West Bank na kasabwat ng mga suspek.
Magugunita na hinoldap ang isang sangay ng East West Bank sa crossing ng Calamba City ng apat na di-kilalang lalaki lulan ng motorsiklo noong Agosto 22, 2006.
Dalawa sa mga suspek ang pumasok sa loob ng bangko nang payagan ni Larola habang ang mga empleyado ay tahimik na nagtatrabaho. (Ed Amoroso)