2 mag-aaral nilamon ng dagat

CAVITE – Maagang kinarit ni kamatayan ang dalawang batang mag-aaral makaraang malunod habang naliligo sa dagat na sakop ng Barangay Hulugan, Tanza, Cavite kamakalawa. Natagpuang nakalutang ang mga bangkay nina Franco Legazpi at Chucky Araga, kapwa 11-anyos at mag-aaral sa pampublikong elementarya sa nabanggit na barangay. Sa impormasyong nakalap ng pulisya, huling nakitang buhay ang dalawa na magkasamang naliligo sa dagat. May teorya ang pulisya na nagkayayaang maligo ang dalawa dahil sa walang pasok sa eskuwela at sa hindi inaasahang pagkakataon ay naganap ang trahedya. (Cristina Timbang)
Chief security officer itinumba
CAMP OLIVAS, Pampanga – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang 46-anyos na chief security officer ng Lakeshore subdivison makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki sa naganap na karahasan sa Barangay Sto. Cristo, Mexico, Pampanga kamakalawa ng hapon. Ang biktimang tumatayo ding vice president ng Parents and Teachers Association ay nakilalang si Efren Agar ng Nueva Ecija. Sa ulat na isinumite kay P/Chief Supt. Ismael Rafanan, Central Luzon Regional Director, ang biktima ay itinumba habang naglilinis ng kanyang motorsiklo sa labas ng eskuwelahan kung saan ginaganap ang meeting ng PTA. (Resty Salvador)
2 kawatan ng palay nasakote
PALAYAN CITY, Nueva Ecija – Kalaboso ang binagsakan ng dalawang magsasaka makaraang pagnakawan ang bahay ng isang negosyante sa Barangay Manacnac sa Palayan City, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi. Pormal na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Arnel Santiago y Mendoza, 26 at Renato Caro y Saliba, 36, kapwa magsasaka at residente ng nabanggit na barangay. Ayon sa pulisya, ang dalawa ay inireklamo ng 53-anyos na biktimang si Nathalia Lucas tungkol sa ninakaw na 20 kaban ng palay, ilang damit, P1,000 cash at P25,000 paninda. Naisagawa ang krimen matapos makapasok ng mga suspek sa bahay ng biktima na hindi naman nakapalag. (Christian Ryan Sta. Ana)
Mag-utol tinodas ng ‘adik’
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Hindi na sinikatan ng araw ang mag-utol na lalaki makaraang mapagtripang saksakin hanggang sa mapatay ng isang binata na pinaniniwalaang adik sa bawal na gamot sa Barangay Salvacion, Sto. Domingo, Albay kamakalawa ng gabi. Naisugod pa sa Sto. Domingo Municipal Health Center, subalit kinarit ni kamatayan habang ginagamot ang magkapatid na Orlando Borjal, 25 at Reynaldo Borjal, 16; habang nasa kritikal na kalagayan ang kaibigan nilang si Allan Querol, 25, ng Camarines Sur. Nasakote naman ang suspek na si Gerry Buen, 22, ng Barangay San Isidro. Ayon sa pulisya, ang mga biktima ay naglalakad papauwi nang harangin ng suspek at isagawa ang krimen. (Ed Casulla)

Show comments