Aabot sa pitong kilometro ang lawak ng oil spill na naapektuhan ang mga beach resorts na sakop ng Barangay Barretto sa Olongapo City.
Humingi na ng tulong ang mga opisyal ng local na pamahalaan ng Olongapo City sa pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) upang maberipika ang barkong nagtapon ng kontaminadong bunker fuel oil na kahalintulad ng oil spill sa Guimaras Strait.
Sa inisyal na pagsisiyasat, isang hindi pa matukoy na barko na nakadaong sa pantalan ng Subic Bay ang nagtapon ng mga plastic bags na naglalaman ng bunker fuel oil bago tuluyang maglayag.
Namataan ang mga plastic ng langis ng isang mangingisda kaya ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Ayon kay Barangay Chairman Carlito Baloy, karamihan sa mga plastic bags ay kumalat sa kahabaan ng dalampasigan na sakop ng mga beach resort.
Bunga nito ay ipinasarado na ni Baloy ang lahat ng mga beach resorts, kasabay ang pagbabawal sa mga turista at publiko na maligo.
Nabatid na ilang negosyo partikular na ang mga hotel sa nabanggit na lugar ay nagrereklamo dahil nagsisialisan na ang kanilang mga foreign at local guests dahil sa mabahong amoy na dulot ng oil slick. (Jeff Tombado)