Sa pahayag ni P/Senior Supt. Joel Regondola, Sorsogon provincial director, bandang alas-5 ng umaga nang salakayin ng mga operatiba ng pulis-Sorsogon, 508th Provincial Mobile Group, Criminal Investigation and Detection Team at Regional Intelligence Office ang pinagkukutaan ng mga holdaper sa nabanggit na barangay.
Ang pagsalakay ay bunsod ng impormasyong nakalap ng pulisya tungkol sa isa sa suspek na tumatayong security guard ng East West Bank na si Marvin Pura, 29, ng Cabuyao, Laguna at tubong Sorsogon.
Hindi naman nahirapan ang pulisya na marekober ang malaking halaga dahil nakipagtulungan ang isa sa utol ni Marvin na si Reynante Pura matapos na ituro nito ang kinalalagyan ng P4, 263, 402.25 na ibinaon sa tabi ng punong saging na nasa kanilang bakuran.
Ayon kay Reynante, ang P4.2. milyon na nakalagay sa dalawang bag ay pinagtulungang ibaon ng kanyang kapatid na sina Marvin at Resty matapos na dumating ang suspek sa kanilang lalawigan.
Magugunita na abalang-abala ang mga empleyado ng East West Bank na sina Cecille Lee, Wilbert Varias, Maureen Martinez at Joseph Tombado sa pagbibilang ng pera nang sorpresahin ng mga armadong kalalakihan sa tulong na rin ni Marvin Pura.
Lumilitaw naman sa paunang imbestigasyon na ang mga holdaper ay kasabwat ng guwardiyang si Pura na kasama ng mga itong tumakas at kasalukuyang tugis. (Ed Casulla at Joy Cantos)