Kinilala ang biktima na si Julie Velasquez, 40-anyos, isa sa mga opisyal ng Provincial Chapter ng militanteng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Konsehal sa Brgy. Culong
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 3, dakong alas-9 ng gabi habang nakiramay si Velasquez sa burol ng live-in partner ng isang Myrna Domingo sa bayan ng Guimba nang biglang sumulpot ang mga salarin na pawang armado ng cal. 45 pistol at M 16 rifle.
Nabatid na pinadapa ng mga salarin ang mga taong nakikipaglamay sa lugar saka pinagbabaril si Velasquez na bagaman nagawa pang makagapang sa ilalim ng ataul ay tinuluyan ng mga suspek.
Agad nasawi sa insidente ang biktima sa tinamong 15 tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Sa pahayag ng mga lider militante, si Velasquez ay isang mahigpit na kritiko ng barangay defense system na ipinatutupad ni Armys 7th Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Jovito Palparan na mahigpit na nag-oobliga sa mga residente ng Central Luzon na magdala ng mga community tax certificate o cedula.
Magugunita na nitong Miyerkules ay pinagbabaril rin ng mga armadong kalalakihan hanggang sa mapatay si Orlando Rivera, lider ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas sa Bulakan. Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang kaso.