CALATAGAN, Batangas Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang lima naman ang malubhang nasugatan makaraang sumalpok ang isang kotse sa nakaparadang barangay patrol jeep at tindahan sa kahabaan ng highway sa Barangay Talisay, Calatagan, Batangas, kamakalawa ng hapon. Sa ulat na ipinarating kay P/Senior Supt. Edmund Zaide, Batangas provincial director, idineklarang patay sa Calatagan Medicare Hospital sina Porferio Digma at Nepomuceno Ansaldo, habang sugatan sina Romeo Mendoza, 34; Benjie Boy Macalindong, 20; Boy Digma, 45; pawang lulan ng kotseng Honda Civic (UKK 471), Jay De Castro, 28, drayber ng kotse at ang may-ari ng tindahan na si Arlene Javier. Base sa ulat ng pulisya, ang mga biktimang lulan ng kotse na binabagtas ang kahabaan ng highway patungong Balayan nang nawalan ito ng kontrol at sumalpok sa barangay patrol jeep na may plakang SGB 118. Isa namang tindahan ng barbecue ang nawasak matapos madamay sa pagkakabangga ng kotse sa nasabing patrol jeep. Mabilis namang tumakas ang drayber ng kotsel.
(Arnell Ozaeta) CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Hindi na sinikatan ng araw ang isang 28-anyos na konsehal ng barangay makaraang masawi sa sumabog na granadang inihagis sa loob ng kanilang bahay na ikinasugat naman ng kanyang misis kahapon ng madaling-araw sa Zone 2, Barangay Cabanbanan sa bayan ng Calabangan, Camarines Sur. Kinilala ng pulisya ang namatay na biktimang si Joselito Delfino, habang ginagamot sa Bicol Medical Center si Catherine Delfino, 25. Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nagising ang mag-asawang Delfino sa tawag ng isang kaibigan at pagbangon ng lalaki para tunguhin ang maliit na pag-aaring tindahan ay biglang umalingawngaw ang malakas na pagsabog ng granada na inihagis ng hindi kilalang lalaki.
(Ed Casulla) CAVITE Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 44-anyos na miyembro ng Civil Security Unit (CSU) ng isang security guard sa construction site sa Barangay San Francisco, General Trias, Cavite kamakalawa ng hapon. Hindi na naisugod sa ospital ang biktimang si Mario Lumagui ng Sitio Elang ng nabanggit na barangay at tumatayong civilian guard ng New Canlaon Const. Inc. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Crisologo "Gerry" Albia, 36, security guard ng Night Force Security Agency, at residente ng Barangay Paradahan 1, Tanza, Cavite. Sa ulat ni PO2 Edgardo Gallardo, nagtungo ang biktimang sakay ng motorsiklo sa pinapasukang kompanya para kunin ang suweldo, subalit nakasalubong nito ang suspek. Nagkaroon ng mainitang komprontasyon ang dalawa hanggang sa mapaslang ang biktima.
(Cristina Timbang)