BATAAN Malamig na rehas na bakal ang kinasadlakan ng limang sibilyan na pinaniniwalaang notoryus drug pusher sa isinagawang drug bust operation sa bayan ng Pilar, Bataan noong Sabado. Kinilala ng pulisya ang mga nasakoteng suspek na sina Angeles Malibiran, 41; Adrian Malibiran,18, ng Brgy. Sta. Rosa; Joey Manson, 28, ng Sitio Maisan; Emiliano Ravela y Quintero, 44; at Randy Samson, kapwa residente ng Brgy. Wakas North. Ayon kay P/Senior Inspector Teodoro dela Rosa, hepe ng pulisya sa bayan ng Pilar, ang mga suspek ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Remegio Escalada ng Balanga City Regional Trial Court Branch 3.
(Jonie Capalaran) Obrero kinatay dahil sa sugal |
CAVITE Pinaniniwalaang dayaan sa sugal kaya pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang 34-anyos na obrero ng tatlong kalaro sa baraha sa isa na namang karahasan sa Barangay San Agustin 3, Dasmariñas, Cavite kahapon. Animoy kinatay na baboy ang naging katawan ni Ramon Esplana ng #30 Campos Ave Don Placido, ng nabanggit na barangay. Arestado naman ang tatlong suspek na sina Feliberto Castillo, 46; ka-live-in nito na si Marivic Ababon, 27; at Jericson Ababon, 20, pawang trabahador sa tapsihan. Ayon kay PO3 Valro Bueno, nairita ang mga suspek dahil sa pandarayang ginagawa ng biktima kaya nauwi sa komprontasyon hanggang sa maganap ang pamamaslang.
(Cristina Timbang) Kinidnap na pulis pinaslang |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isa na naman pulis na napaulat na kinidnap noong Lunes (Agosto 7) ang pinaslang ng mga rebeldeng New Peoples Army matapos na matagpuan ang bangkay nito na nakalibing sa mababaw na hukay sa Sitio Minavito KM80, Barangay Sabloyon sa bayan ng Caramoran, Catanduanes, kamakalawa ng hapon. Nakatali pa ang mga kamay at paa na tadtad ng sugat ng patalim sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktimang si SPO3 Cesar Liberato Jr. ng Viga PNP. Ayon sa ulat, ang biktima na sakay ng motorsiklo patungo sa bayan ng Virac para maghatid ng kanilang loan application ay hinarang ng mga rebelde saka dinala sa hindi nabatid lugar hanggang sa matagpuan ang bangkay.
(Ed Casulla) Kabesa dedo sa nag-amok kagawad |
CAMP CRAME Walang buhay na bumulagta ang isang barangay chairman makaraang pagbabarilin ng kasamahang barangay kagawad na nag-amok sa Barangay Burgos, Ilocos Sur, kamakalawa. Sapol ng bala ng baril sa kaliwang mata na naglagos sa ulo ang ikinasawi ni Barangay Chairman Paterno Daproza. Sumuko naman ang suspek na si Rogelio Orpilla Sr. bitbit ang pag-aaring cal 5.56 rifle na ginamit sa krimen. Base sa ulat ng pulisya, tinungo ng biktima ang nag-aamok na si Orpilla para payapain, subalit sinalubong siya ng sunud-sunod na putok ng baril. Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang suspek habang nakapiit sa himpilan ng pulisya.
(Joy Cantos)