Sa sketchy report na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang natagpuang katawan na walang ulo ay nakilalang si Jeffrey Sildin na kinidnap kasama ang kanyang ina ng mga bandidong Abu Sayyaf noong Hulyo 27, 2006.
Bago natagpuan ang torso ng biktima, napaulat na ang ulo nito ay itinapon naman sa may bahagi ng himpilan ng pulisya sa isang bayan sa Sulu ganap na alas-6 ng umaga kahapon.
Kinumpirma naman ni 3rd Marine Brigade Commander Brig. Gen. Juancho Sabban, si Sildin at ang inang si Jackylyn, 53, ay kasamang dinukot ng mga bandido.
Napag-alamang nakipagnegosasyon ang mga bandido sa pamilya ng biktima para humingi ng P10 milyon ransom hanggang sa maibaba sa P6 milyon matapos ang pakikipagkasundo.
Sa kasalukuyan ay walang malinaw na impormasyong makalap kung patay na o buhay pa ang matandang Sildin na nasa kamay pa rin ng mga bandidong Abu Sayyaf.
May teorya ang pulisya na inakala ng mga bandido na hindi tumupad sa kasunduan ang pamilya ng biktima sa hindi pagbibigay ng ransom. (Angie Dela Cruz)