Mag-ina nabagsakan ng puno ng niyog, patay

CAMP CRAME — Walang nagawa sa karit ni kamatayan ang mag-ina makaraang madaganan nang natumbang puno ng niyog dahil sa tsunami na sinabayan pa ng malakas na hangin ang baybaying dagat na nakaapekto sa siyam na bayang sakop ng Misamis Oriental, kamakalawa.

Ang mag-ina na hindi pa natukoy ang pangalan ay residente sa bayan ng Libertad sa nabanggit na probinsya.

Sa ulat ng Office of Civil Defense, nabatid na dakong alas-6 ng umaga kahapon nang manalasa ang dalawang metrong taas ng tubig dagat sa ilang munisipalidad ng nasabing lalawigan.

Aabot sa 103 kabahayan ang pinalis ng tsunami at umaabot naman sa 1,000 pamilya ang naapektuhan.

Ang pinakagrabeng sinalanta ng dalawang metrong taas ng tidal waves ay ang bayan ng Tagoloan at Naawan.

Samantala, patuloy namang inilikas ang may 158 pamilya sa mga Barangay Casinglot at Gracia sa bayan ng Tagoloan, habang 67 naman mula sa Maputi, Langcayan at Poblacion sa bayan ng Naawan.

Umaabot naman sa 30 pamilya sa baybaying Barangay ng Sta Catalina sa Negros Oriental ang nawasak ang tahanan sa pananalasa ng tsunami, kabilang ang Poblacion, Cawitan, Alangilan, Nagbalaye at Mansalongon.

Samantala, 4 barangay ang sinalanta ng tsunami sa sa Davao City na nakaapekto sa 55 pamilya habang naitala naman sa P626, 500 ang naging pinsala. (Joy Cantos)

Show comments