CAMARINES NORTE Umaatikabong bakbakan ang naganap sa Barangay San Jose sa bayan ng San Vicente makaraang salakayin ng mga rebeldeng New Peoples Army ang kampo ng 22nd Infantry Battalion ng Phil. Army na ikinasawi ng isang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) kahapon ng madaling-araw. Kinilala ang napaslang na Cafgu na si Majer Lavinia ng Barangay 5, Daet, Camarines Norte, samantalang sugatan naman sina Rolo Bares, 38, ng Barangay Alawihao; Cesar Centeno, 30, ng Barangay Dagotdotan, San Lorenzo Ruiz; Eugenio Molina, isang nakilalang Yadao at si PFC Pojeda ng Phil. Army. Bandang alas-12:45 ng madaling-araw nang salakayin ng NPA rebs na lulan ng sasakyan ang nabanggit na kampo.
(Francis Elevado) 4-katao tumba sa engkuwentro |
CAMP MELCHOR DELA CRUZ, Isabela Tatlong rebeldeng New Peoples Army at isang sundalo ng Phil. Army ang iniulat na nasawi makaraan ang madugong engkuwentro sa mabundok na bahagi ng Barangay Ibujin sa bayan ng San Mariano, Isabela kahapon ng umaga. Kinilala ni Col. Ed Maninding, commanding officer ng 5th Infantry Battalion ang nasawing sundalo na si Corporal Felix Dischoso, habang ang tatlong rebelde ay hindi pa kilala. Ayon kay Maj. Victor Tanggahwon Jr., spokesman ng 5th Infantry Division, dakong alas-2 ng madaling-araw, kahapon nang makasagupa ng 45th Infantry Battalion ang grupo ng Central Front Cagayan Valley Regional Committee matapos na makatanggap ng impormasyon sina 2Lt. Bartolome at 2Lt. Ricarde, sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa nabanggit na barangay. Matapos ang sagupan ay natagpuang nakabulagta ang tatlo at narekober ang limang malalakas na kalibre ng baril at ilang subersibong dokumento. May teorya ang militar na may iba pang rebeldeng nasugatan batay na rin sa palatandaang nakita sa pinangyarihan ng sagupaan.
(Victor Martin) 6 suspek sa nakawan nasakote |
CAVITE Anim na kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng nakawan ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang operasyon sa itinayong checkpoint sa Barangay Poblacion, Noveleta, Cavite kahapon ng umaga. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Virgilio Buagas Jabey, 33; Dominador Alde, 28; Ruben Limos, 24; Elias Bayla Jr., 36; Vicente Pagaop, 45; at Ricky Caballero, 30, na pawang mga residente ng Quezon City, Muntinlupa City at Cainta sa Rizal. Base sa ulat na nakalap sa Camp Pantaleon Garcia, ang mga suspek ay lulan ng Ford Lynx na may plakang XSN-422 nang masabat sa checkpoint. Nakumpiska sa mga suspek ang 2 panabong na manok, dalawang baril, 1-bolt cutter, apat na patalim, mga gunting, flashlights, 48 pirasong sako, tatlong celfone at 6 na stick ng marijuana
. (Cristina Timbang)