Kabilang sa mga biktimang nasawi ay sina Alexis Dela Cruz, 10; Ronnil Castillo,10; at ang traysikel drayber na si Marcial Dellupac, 48, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.
Samantalang ginagamot sa Central Azucarrera de Don Pedro Hospital sina Nenian Dadola, 9; Aira Sharaine Rol, 6; Rey Jade Ro, 9; at Julius Albarino III, 8.
Sa panayam ng PSN kay Edelyn Roma, duty nurse ng CADPH, kinumpirma nito na namatay habang sakay ng ambulansya patungong Batangas Regional Hospital si Julius Albarino Jr., 10, base sa inisyal na ulat na ipinalabas ng pulisya.
Subalit sa ginawang kumpirmasyon ng PSN sa mga doctor ng BRH, nakarating pa nang buhay si Albarino Jr. pero nasa kritikal na kondisyon.
Ayon kay P/Superintendent Jose Pumida, hepe ng pulisya sa bayan ng Nasugbu, papasok na sana ang mga estudyante sa Lumbangan Elementary School lulan ng traysikel nang biglang araruhin ng pampasaherong jeepney (DWJ-514) na minamaneho ni Ronald Erilla sa kahabaan ng national highway bandang alas-6:15 ng umaga.
Kaagad namang sumuko sa pulisya si Erilla na nahaharap ngayon sa mga kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple serious physical injuries and damage to property
Ayon sa salaysay ni Erilla, biglang sumabog ang gulong sa harap ng dyip nito kaya nawalan ito ng control hanggang sumalpok sa kasalubong na traysikel na nasa kabilang linya. (Arnell Ozaeta)