Sa ulat na tinanggap kahapon ni National Disaster Coordinating Center (NDCC) Executive Director ret. Major Gen. Glen Rabonza, kinilala ang mga napaulat na nasawi na sina Ronald at asawang Anna Marie, mga anak na sina Joy, 3; Neil , 7; at Ayuma na magkakasabay na tinangay ng malakas na agos ng ilog dulot ng patuloy na ulan.
Bandang alas-6 ng umaga nang dumaloy ang malakas na tubig sa coastal area ng bayang nabanggit matapos naman ang pananalasa ng buhawi.
Bunga nito, nagmamadaling nag-impake ang mag-asawa at tatlong anak nito na lumikas sa kanilang tahanan upang takasan ang patuloy na pagtaas nang tubig-baha.
Ayon sa ilang mga kapitbahay ng mga biktima, nabigo na silang masagip ang lima dahil masyadong malakas ang agos at malalim na ang tubig.
Makalipas na humupa ang tubig-baha sa nabanggit na ilog ay narekober ang bangkay ng apat, samantalang ang bangkay ni Ayuma ay patuloy na hinahagilap ng mga tauhan ng rescue team.