Kasunod nito, nagsampa ng kaukulang kaso sina Vice-Mayor Paulino at City Councilor Atty. Noel Yabut Atienza sa Ombudsman para imbestigahan ang anomalyang pagpapalabas ng pondo.
Sa inihaing reklamo, kinuwestiyon ng dalawang opisyal ang kontrata sa ilalim ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Sangguniang Panlungsod ng Olongapo City at Rap-Rap Trucking Corporation na pangunahing kompanya na mangongolekta ng basura gamit ang apat na trak sa loob ng sangtaon.
Sa dokumentong nakalap ng PSN, unang inindorso ni Olongapo City Mayor James "Bong" Gordon Jr. sa Sangguniang Panlungsod ang pagpapalabas ng P27-milyon pondo para sa kontrata nito sa Rap-Rap na rentahan ang apat na garbage trucks at isang bulldozers sa pangongolekta ng basura.
Subalit, ayon kay Vice Mayor Paulino, mas praktikal at makakatipid sa gastusin ang lokal na pamahalaan kung bibili na lamang ng apat na second-hand garbage trucks at bulldozer sa halagang P4-milyon lamang na magagamit din sa loob ng santaon.
Napag-alaman din na patuloy sa operasyon ang Rap-Rap sa pangongolekta ng basura sa Olongapo City sa kabila ng expired ang kontrata nito simula pa noong Disyembre 22, 2005, subalit pinayagan pa rin ng Sangguniang Panglungsod.
Nadiskubre rin nina Paulino at Atienza na non-existence ang nabanggit na kompanya matapos na beripikahin ang address sa #26 Malakas Street, Barangay Central, Diliman, Quezon City na isang motor service shop na pinaniniwalaang walang kapabilidad na makapaghakot ng tone-toneldang basura sa buong Olongapo City. (Jeff Tombado)