Sa panayam kay Sr. Supt. Francisco Don Montenegro, Batangas police director, nilusob ng humigit kumulang 10 rebeldeng NPA ang isang safehouse na ginagamit ng Philippine Air Force sa Brgy. Puting Buhangin, San Juan, Batangas bandang alas-7:30 ng gabi kamakalawa.
Ayon sa report, napatay sa nasabing engkuwentro si Jeffrey Juego, 15, residente ng nabanggit na barangay samantalang sugatan sina Air Force First Class Arvin Tampil at mga sibilyang sina Orlando Juego at Abad Saveria. Nagpapahinga umano ang mga sundalo sa nasabing safehouse nang bigla nalang silang lusubin ng mga rebelde na nagresulta ng kalahating oras na bakbakan.
Sa pahayag ni Supt. Gerardo Umayao, San Juan Police chief sa PSN, nabigo umanong kubkubin ng mga rebelde ang safehouse dahil narin sa tulong ng mga Bantay-bayan na inarmasan ng mga military para makatulong sa paglaban sa mga rebelde.
Matapos ang bakbakan, umatras ang mga rebelde patungong Barangay Quipot at ngayoy tinutugis ng mga elemento ng 710th at 740th Combat Special Operations Wing ng PAF. Isinugod na si A1C Tampil sa V. Luna Hospital sa Quezon City samantalang ginagamot na sa Lipa Medix Hospital sa Lipa City si Juego at Saveria dahil sa mga tinamong sugat.
Samantala, isang 40-anyos na magsasaka naman ang napatay sa Lopez, Quezon matapos maipit sa engkuwentro ng 76th Infantry Brigade ng Philippine Army at ng NPA sa Sitio Mataas na Bukid, Barangay Veronica noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni SPO4 Ireneo Villasanta, Lopez PNP deputy chief, ang napatay na biktimang si Alberto Gonzales, residente ng nasabing barangay. Isang sundalo ang iniulat na sugatan na si PFC Michael Baltazar habang walang nasugatan sa panig ng mga rebelde. (Arnell Ozaeta At Joy Cantos)