Tindahan ng pekeng abono ni-raid
LA TRINIDAD, Benguet Hindi nakapalag ang may-ari ng isang tindahan ng organic fertilizer makaraang salakayin ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group-Cordillera, Dept. of Trade and Industry at technical team ng Good Earth Technologies International, Inc., dahil sa pagbebenta ng pekeng abono sa Brgy. Shilan, La Trinidad, Benguet kamakalawa. Sa ulat ni P/ Senior Supt. Marvin Bolabola, regional director, nagreklamo sa kanilang tanggapan si Atty. Edwin Maquinto ng GETII, na distributor ng abonong Florida Green. Kaagad namang bumuo ng pangkat si Bolabola at sinalakay ang naturang lugar sa pangunguna ni P/Chief Insp. Rolando Osias, Engr. Danilo Fontanos ng DTI at Atty. Maquinto. Matapos beripikahin ang legalidad ng pagbebenta ng nasabing produkto sa Cordillera Organic Center ay nakakumpiska ng 142 botelya ng abono na pawang peke. (Artemio Dumlao)
PAMPANGA Isa na namang militante na kaanib ng grupong Anakpawis ang tinambangan at napatay ng isang dating rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang ang biktima ay naglalakad sa bahagi ng Purok 4 sa Barangay San Jose Malino, Mexico, Pampanga kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Arnel Cudia Guevarra, samantalang nakilala naman ang suspek na si Leonardo Yumul Jr., alyas Ka Bong, na naging rebelde at ngayon ay nakikipagtulungan sa military. (Resty Salvador)