San Mateo jailbreak: 2 pumuga
RIZAL Dalawang preso ang iniulat na pumuga sa San Mateo Municipal Jail matapos na wasakin ang rehas na bakal at tiyempuhang nag-iisa ang bantay ng pulis noong Lunes ng madaling-araw. Dahil sa nasabing jailbreak ay sinampahan ng kaukulang kaso si PO1 Cerilo Bantelo na kasalukuyang naka-duty kung saan naganap ang insidente at nakatakas ang mga suspek na sina Albert Sevilla, 18; may kasong robbery at Jarimias Cruz, 28, na may kasong theft. Inatasan na ni P/Senior Supt. Freddie Panen si P/Chief Insp. Anastacio Bengzon, hepe ng San Mateo police na magsagawa ng manhunt operation laban sa dalawang pugante, habang nakakulong naman sa nasabing piitan si PO1 Bantelo na posibleng masibak. (Edwin Balasa)