Sa ulat na nakarating kay P/Chief Superintendent Prospero Noble, Region 4 police director, kinilala ang napatay na mag-utol na sina Armando, 44 at Arnel Maray, 40 na kapwa residente ng Barangay Gulod, Cabuyao, Laguna.
Samantalang sugatan naman si Noel Matira na ginagamot sa Calamba Medical Center habang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang kasamahang si Stanley Asoc.
Base sa ulat ng pulisya, lulan ng isang owner-type jeep (DLT-724) ang mga biktima habang tinatahak ang barangay road nang dikitan at pagbabarilin ng dalawang maskaradong suspek bandang alas-11:30 ng umaga.
Dead-on-the-spot si Armando matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo, samantalang namatay naman ang nakababatang kapatid na si Arnel habang isinusugod sa Calamba Medical Center.
Sa isinagawang imbestigasyon, nagmula ang grupo ng mag-utol sa Barangay Saimsim sa Calamba City para kolektahin ang commission na P20,000 matapos magsagawa ng operasyong paihi sa isang LPG tanker.
May teorya naman ang kapulisan na may kaugnayan sa kanilang illegal na aktibidad kaya itinumba ang magkapatid na Maray. "baka nagka-onsehan na ang grupo kaya sila-sila na ang nagpapatayan," dagdag pa ng isang opisyal ng pulis.
Narekober sa crime scene ang 23-basyo at deformed slugs mula sa caliber 45 pistola. (Arnell Ozaeta)