Bata pinatay sa gulpi
July 23, 2006 | 12:00am
CABANATUAN CITY Pinaniniwalaang pinatay sa gulpi ang isang 12-anyos na batang lalaki ng mga hindi kilalang salarin matapos na matgpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng mini-bar sa Barangay Cabu, Cabanatuan City noong Martes ng hatinggabi. Ang biktimang basag ang mukha at mga pasa sa ibat ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Edmond Ladringan, anak ng manggagawa sa Hunter Valley Plantation and resort na pinaniniwalaang pag-aari ni Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado. Pansamantalang tumangging magbigay ng detalye si P/Supt. Eliseo D. Cruz, police chief sa naganap na krimen, bagamat may posibilidad na residente rin ng nabanggit na resort ang killer. (Christian Ryan Sta. Ana)
IBA, Zambales Dalawa-katao kabilang na ang isang pulis ang kasalukuyang nasa malubhang kalagayan makaraang barilin ng isang kawani ng Provincial Disaster Coordinating Council habang nasa birthday party sa Barangay Zone V, Iba, Zambales kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina PO1 Rodolfo Escobar, 32, ng 314th Provincial Mobile Group at Victor Obnamia, 29, ng nabanggit na barangay.Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Jalal Mala-atao, alyas "Aleen". Sa ulat ni SPO2 Ramon Supe na isinumite kay P/Supt. Limpi Cayda, police chief ng bayang nabanggit, nagwawala ang suspek sa birthday party ng tangkaing payapain ni PO1 Escobar, subalit pinutukan siya at si Obnamia. Tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo. (Fred Lovino)
CAMARINES NORTE Hindi nakalusot sa mga awtoridad ang itinatagong krimen ng isang 72-anyos na lolo makaraang ireklamo ng isang 9-anyos na batang babae ng kasong rape ang una sa Purok 7, Barangay 2 sa bayan ng Daet, Camarines Norte. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rolando M. Panganiban ng Daet Regional Trial Court Branch 40, dinakip ang akusadong si Domingo Musa ng nabanggit na barangay. Base sa reklamo ng biktima na ipinaabot sa pulisya, makailang ulit siyang hinalay ni Musa sa loob ng kanilang bahay. Wala namang piyansang inirekomenda ang korte laban sa akusado. (Francis Elevado)
CAVITE Tatlo na naman sibilyan ang sinalakay ni kamatayan sa naganap na magkakahiwalay na karahasang naganap sa tatlong bayan ng Cavite kamakalawa. Kabilang sa mga napaslang na biktima ay sina Nilo Braca, 36; Jimmy Aquino Jr., at Rani Rio Florido, 18, ng AFP housing. Sa ulat ng pulisya, Si Braca ay pinagbabaril ng tatlong kalalakihan sa Barangay Tejero sa bayan ng Rosario, Cavite, Nakatakas naman ang mga suspek na mag-utol na Bong "Banjo" Ramirez, June Ramirez at Nelson Batumbacal. Samantala, si Aquino ay sinaksak ng isang adik na lalaki sa Barangay Caridad, Cavite City, Cavite, tugis naman ng pulisya ang suspek na si Arvin "Tangkad" De Castro. Si Florido naman ay niratrat habang naglalakad sa madilim na bahagi ang Bulihan, Silang, Cavite, kamakalawa. (Cristina Timbang)
LOPEZ, Quezon Isa na namang Sarhento ng Phil. Army ang iniulat na nasawi makaraang magsagupa ang tropa ng militar at mga rebeldeng New Peoples Army sa liblib na bahagi ng Barangay Malabhay sa hangganan ng bayan ng Lopez at Macalelon, Quezon kamakalawa ng umaga. Napuruhan ng bala ng malakas na kalibre ng baril ang napatay na kawal na si Sgt. Lorence Tayug ng 76th Infantry Battalion. Tumagal ng limang minuto ang bakbakan hanggang sa umatras ang mga rebelde na pinaniniwalaang may operasyon sa 4th district ng Quezon. Nagsagawa na ng aerial at ground operation ang militar tugis ang nagsitakas na mga rebelde. (Tony Sandoval)
CAMP OLIVAS, Pampanga Tinambangan at napatay ang isang 54-anyos na negosyanteng Koreano ng hindi kilalang salarin habang ang biktima ay nagmamaneho ng kotse sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Mabiga sa bayan ng Mabalacat, Angeles City, Pampanga, kamakalawa. Napuruhan ng bala ng baril sa ulo at dibdib ang biktimang si Boo Sung Kein ng Jocelyn Street, Sta. Marian Village, Balibago, Angeles City. Ayon sa pulisya, bandang alas-10 ng gabi nang dikitan ng motorsiklong lulan ang killer, ang kotse ng biktima bago sunud-sunod na pinaputukan ng baril. May posibilidad na pagnanakaw ang isa sa motibo ng krimen dahil nawawala ang malaking halaga na nasa kotse ng biktima, bagamat hindi inaalis ang anggulong may kinalaman sa negosyo ng Korenao. (Resty Salvador)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended