2-katao patay sa road mishap
CAVITE Kalawit ni kamatayan ang sumalubong sa dalawang sibilyan makaraang salpukin ng kotse ang traysikel ng mga biktima sa kahabaan ng Tirona Highway sa Barangay Mabolo, Bacoor, Cavite, kamakalawa. Ang mga biktimang nasawi na sakay ng traysikel (WT-5369) ay sina Rodrigo Loreto, 46, ng Barangay Manggahan St. Binakayan, Kawit at Gloria Flores, 32, ng Marulas Kawit habang kritikal naman si Reynaldo Celestino ng Sineguelasan, Bacoor, Cavite. Tugis naman ng pulisya ang drayber ng kotseng Nissan (XTH-616) na si Romel Macapundang, 23, ng B-18 L-7 2nd St Alfonso Village, Alapan 1B, Imus, Cavite. Ayon kay PO1 Malvin Ramos, naganap ang sakuna dakong alas-12 ng hatinggabi matapos na masalpok ng kotse ang traysikel na minamaneho ni Loreto. (Cristina Timbang)
CAMP AGUINALDO Isa sa mga suspek sa pumatay sa isang birador na radio broadcaster noong Martes sa Digos City, Davao del Sur ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang follow-up operation, ayon sa mga opisyal ng pulisya kahapon. Kinilala ni Task Force USIG Commander Deputy Director General Avelino Razon Jr. ang nasakoteng suspect na si Juan Jesus Sataum, isang money fencer. Ayon kay Task Force Newsman Commander P/Chief Supt. Pedro Tango, si Sataum ay posibleng may partisipasyon sa pagpaslang kay Armando "Racman" Pace, 55, ng DXDS Radio Ukay. Ang suspek ay nasakote ilang oras matapos ang krimen at pinaniniwalaang may kinalaman dahil nakuha sa pag-iingat nito ang motorsiklo na ginamit ng dalawang salarin. Si Pace ay pinagbabaril ng dalawang mga armadong salarin na lulan ng kulay asul na motorsiklo sa kahabaan ng Rizal Avenue, Digos City. Pinaniniwalaang isa sa motibo ng krimen ay ang pagiging birador ng biktima sa kaniyang programang Ukadyang sa Radio Ukay . Napag-alamang maraming nakasampang kasong libelo laban sa biktima pero pawang nadismis. Kaugnay nito, sinabi ni Razon na inaasahang malulutas na ang krimen matapos masakote ang suspek. (Joy Cantos)