Buriki Gang sa Bulacan, nalansag

MALOLOS CITY, Bulacan – Hindi nakapalag ang apat na kasapi ng Buriki Gang makaraang masakote ng mga tauhan ng pulisya dahil sa reklamo ng mga residente sa San Jose del Monte City, Bulacan noong Linggo.

Kabilang sa mga suspek na pormal na kakasuhan ay sina Zosale Tagle y Pacanat, Michael Lacuata ng Makati City; Marito Duran y Alonzo at Jerry Malatbalat y Malate ng Pateros, Rizal.

Sa ulat na isinumite ni P/Supt. Gregorio Lim, hepe ng SJDM City kay P/Senior Supt. Benedict Michael Fokno, provincial director, ang mga suspek na nagbebenta ng saku-sakong bigas na kulang sa timbang ay nagsasagawa ng operasyon sa Bulacan, Caloocan, Muntinlupa, Quezon City, Parañaque at Alabang.

Nakatakas naman ang dalawa pang suspek na alyas "Remy" at "Waway" na pinaniniwalaang pinamumunuan ng isang retiradong sundalo na nakilalang si ex-S/Sgt. Aresenio Cardenas y Quilondrino.

Ang mga suspek na sakay ng L300 Mitsubishi van (PNN-420) ay dinakip sa checkpoint matapos na ipagbigay-alam sa pulisya ni Barangay Capitan Reynaldo Herrera ng Barangay Sapang Palay Proper na tinakasan ng mga suspek matapos mapaghinalaan.

Napag-alamang umamin si Lacuata at nagboluntaryong tumestigo laban sa kanyang mga kasama at ibinulgar ang kanilang modus operandi.

Isiniwalat ni Lacuata na bumibili sila ng magandang klase ng bigas at kapag bumili ang kostumer ay ibinibigay nila ang mababang klase ng bigas na kanilang binili sa National Food Authority (NFA). (Dino Balabo)

Show comments