Dead-on-arrival sa Davao del Sur Provincial Hospital ang biktimang si Armando "Rockman" Pasi, broadcaster ng Radio Ukay, DXDS-AM sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa dibdib at balikat.
Sa inisyal na ulat na tinanggap kahapon ng PNP Chief Director General Oscar Calderon, naganap ang pamamaslang dakong ala-una ng hapon.
Lulan ng traysikel ang biktima nang biglang sundan at pagbabarilin ng hindi nakilalang lalaki sakay naman ng motorsiklo.
Ang biktima ay mabilis na isinugod sa pagamutan ng mga sumaklolong bystander, subalit hindi na umabot ng buhay.
Bago ang pamamaslang ay nakatanggap ng mga pagbabanta sa kanyang buhay ang biktima.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen.
Sa tala ng National Union of Journalism of the Philippines (NUJP) umabot na sa 70 ang pinatay na mediamen simula noong 1986 sa panunumbalik ng demokrasya sa bansa. (Joy Cantos)