Kinilala ng pulisya ang biktima na si 1Lt. Paul Fortuni ng 56th Infantry Battalion na nakabase sa bayan ng Norzagaray.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakitulog si Fortuni sa bahay ng kanyang kasintahan sa Brgy. Sucol ng bayang ito noong Sabado ng gabi. Paggising niya kahapon ng umaga napansin niyang flat o dumapa ang gulong ng kanyang kotse kayat nagpasya siyang kumpunihin iyon. Habang binabaklas ng sundalo ang gulong, apat na lalaki ang lumapit sa kanya at walang sabi-sabing pinaputukan siya na ikinamatay ng sundalo noon din.
Ayon sa mga saksi, tumakas ang mga salarin patungo sa ilog ng Calumpit kung saan ay sumakay ang mga ito sa isang bangkang de motor.
Sinabi rin ng mga saksi na matapos patayin ang sundalo, sumigaw pa umano ang mga suspek na "Mga NPA kami."
Kaugnay nito, nagpahayag nang pangamba ang mga residente ng mga coastal town sa lalawigan sa posibilidad ng maigting na kampanya ng militar laban sa mga rebelde dahil sa pagpatay kay Fortuni. (Dino Balabo/Joy Cantos)