Shootout: 2 pulis, 1 Sayyaf dedo
CAMP AGUINALDO Madugong barilan sa pantalan ng Zamboanga City ang naganap na ikinasawi ng dalawang Maritime Police at isang kasapi ng bandidong Abu Sayyaf kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang mga nasawing pulis na sina PO1 Roland Resulta at PO3 Marcelo Caber, habang inaalam pa ang pagkikilanlan sa napatay na bandido. Samantalang ginagamot sa ospital ang isang security guard na nasugatan matapos na mabaril ng bandidong napatay ng mga rumespondeng pulisya. Napag-alamang sinita nina Resulta at Caber ang napatay na bandido matapos na pumasok sa pantalan ng Zambo dahil sa napansing may nakabukol na baril sa baywang nito. Mabilis na nagbunot ng baril ang bandidong sinita at pinaputukan hanggang sa mapatay ang dalawang pulis bago isinunod na barilin ang sikyu ng pantalan. Agad naman rumesponde ang mga tauhan ng pulisya na nakaantabay sa nabanggit na pantalan hanggang sa mapatay ang armadong bandidong Sayyaf na nakumpiskahan ng isang Quran, magazine, baril at mga dokumentong nakasulat sa Arabic. (Joy Cantos)
CAMP AGUINALDO Animoy bula na naglaho ang kinabukasan ng pamilya ng dalawang bagitong pulis makaraang madakip sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na barangay sa Cebu City, kamakalawa. Si PO1 John Rey Catiri, 34, ay naaktuhang nagbebenta ng 50 gramo ng shabu sa poseur buyer na si PO3 Vilma Abayan sa loob ng isang taxicab na nakaparada sa Barangay Mambaling, samantalang si PO1 Aldwin Vicada, 31, na pinabulaanan na sangkot siya sa pagtutulak ng droga ay nasakote sa kanyang bahay sa Barangay Basak, dalawang oras matapos na madakip si PO1 Catiri, ayon sa ulat ng pulisya. (Joy Cantos)