Sa report na tinanggap ni Administrator Glen Rabonza ng Office of Civil Defense (OCD), kinilala ang dalawang namatay na sina Osios Balbawang Jr., 4 at Grace Benito, 7, isa namang Grade 2 pupil sa Doña Nicasia Elementary School at residente ng #77 Imelda Village sa naturang lungsod.
Isinugod naman sa Baguio City General Hospital ang sugatang mga magulang ni Osios Jr. na sina Osios Balbawang Sr.; 30 at Jonalyn Balbawang, mga kapatid na Oscar, 6 at Olivia,11-buwang gulang.
Nabatid na dakong alas-10 ng gabi ng maganap ang insidente nang matabunan ng gumuhong lupat bato ang tahanan ng pamilya Balbawang sa Purok 24, San Carlos Heights.
Si Osios Balbawang Jr. na unang napaulat na nawawala ay narekober ang putikang bangkay pagkalipas ng ilang oras na paghahanap.
Samantalang si Benito ay nahulog naman sa isang malalim na kanal sa kahabaan ng Manuel Roxas St., Upper Brookside matapos na ilipad ng malakas na hangin kasama ng kaniyang payong na tinangay habang naglalakad papauwi mula sa eskuwelahan kasama ang dalawa nitong pinsan.
Nabatid na pitong landslide ang tumama sa Baguio City nitong Martes ng gabi sanhi ng malakas na ulan sa hagupit ng bagyong "Florita".
Samantalang, sarado sa trapiko ang kahabaan ng Naguilian Highway at Kennon Road kahapon, habang pitong sasakyan naman ang natabunan sa gumuhong kongkretong pader sa kahabaan ng Magsaysay Avenue malapit sa palengke.
Patuloy naman ang isinasagawang clearing operation sa mga lugar na tinamaan ng landslide sa nabanggit na lungsod. (Artemio Dumlao at Joy Cantos)