Kinilala ang kinasuhan base sa 7-pahinang libel complaint na sina Joey Galicia Venancio, Ernie Baluyot at Edwin Alcala, columnist, editor at circulations manager ayon sa pagkakasunod para sa tabloid na Police Files Tonite
Kasama rin sa naturang reklamo ay sina Joe Dalde at Lenie Venancio, editor-in-chief at circulation manager ng tabloid na Hataw.
Ayon sa reklamo ni Hagedorn, naglabas umano ng malisyang artikulo ang dalawang tabloid para personal na atakihin ito at sirain ang kanyang reputasyon.
Umalma si Hagedorn laban sa grupo ni Venancio matapos lumabas sa column nitong "Pulis! Pulis!" na sabay na nalathala sa Police Files at Hataw tungkol sa isang "white paper" na kumakalat sa Palawan, na iniuugnay si Hagedorn sa ilang mga kasong criminal.
Sa naturang "white paper", itinuturo si Hagedorn na siyang nag-utos sa pagpatay sa radio broadcaster at dating Puerto Princesa Vice Mayor Fernando "Dong" Batul noong Mayo 2006. Itinuturo din ang alkalde na nag-utos sa pagpatay kay Rev. Raul Domingo, isang pastor ng United Church of the Philippines (UCCP) noong August 20, 2005. Siya din umano ang responsable sa Dos Palmas hostage-taking at pagpapabagsak ng helicopter ni Palawan Governor Joel Reyes noong 2004 at sa pagpatay kay dating Mayor Dennis Socrates at iba pa.
Mariin namang pinabulaanan ni Hagedorn ang lahat ng akusasyon na nakasulat sa naturang white paper.
" They claim that the article is based on an alleged e-mail from a certain Anthony Abueg, not only is this claim patently self serving, it is also an obvious attempt to avoid liability for the defamatory allegations contained in the article," ani Hagedorn sa kanyang statement.
Ayon naman kay Venancio, inilabas lang umano niya ang white paper dahil sa ito ay public interest. (Arnell Ozaeta)