CAMP AGUINALDO Tinambangan at napatay ng mga rebeldeng New Peoples Army ang isang kawal ng Philippine Army at isang security guard habang ang dalawa ay lulan ng motorsiklo na bumabagtas sa kahabaan ng highway na sakop ng San Luis, Agusan del Sur kamakalawa. Ayon kay AFP Southcom Spokesman Capt. Richie Pabilonia, tumilapon sa motorsiklo ang mga biktimang sina Corporal Maputi at Franklin Bernalogam, sikyu ng PTFL Company. Nabatid na ang dalawa ay patungo sa Barangay Dona Flavia sa nabanggit na bayan nang harangin at pagbabarilin ng mga rebelde.
(Joy Cantos) Lola todas, 3 pa grabe sa sakuna |
NUEVA ECIJA Napaagang sinalubong ni kamatayan ang isang 82-anyos na lola habang tatlo namang mag-aaral ang malubhang nasugatan sa naganap na magkahiwalay na sakuna sa Nueva Ecija kamakalawa. Si Maximina Domingo ay nabundol habang tumatawid sa Barangay Capintalan, Carranglan ng GL Transit Bus (AYA 215) na minamaneho ni Harry Lopez Jr., 34, ng Barangay Magsaysay,Tabuk, Kalinga. Samatalang nasalpok naman ng pickup (ULC 702) ni Benigno Victorio ang tatlong mag-aaral na sina Jerry Mauricio, Kenneth Pagaragan at Rydel Javier matapos na mawalan ng kontrol at nawala sa linya ng kalsada ang bisikleta ng mga biktima sa Guimba-Pura Road, Barangay Manggang Marikit, Guimba, Nueva Ecija kamakalawa.
(Christian Ryan Sta. Ana) Torso ng lalaki itinapon sa ilog |
CAVITE May posibilidad na ang natagpuang ulo ng tao sa bayan ng Rosario ay bahagi ng katawan ng lalaking nadiskubre sa ilalim ng tulay na nag-uugnay sa bayan ng General Trias at Imus, Cavite kamakalawa. Ang torso na nakalagay sa plastic garbage bag ay may tattoo sa kanang balikat na "Madel 1," samantalang "Jon jon" naman sa kaliwang balikat at nasa pagitan ng 30-40 anyos ang edad. Ayon sa pulisya, umalagwa ang masangsang na amoy na nagmumula sa ilalim ng tulay kaya inusisa ang mga opisyal ng barangay at lumitaw sa kulay itim na plastic bag ang katawang walang ulo. May teorya ang pulisya na pinaslang ng biktima sa ibang lugar at itinapon sa nabanggit na barangay.
(Cristina Timbang)