Sa pahayag ng isa sa lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Bulacan na si Dory Mendoza, kabilang sa mga kinasuhan ay sina Fernando Poblacion, Jose Ramos at Francis Aquino, samantalang pinalaya naman sina William Aguilar at Archie de Jesus, habang nawawala pa si Emerlito Lipio.
Ang mga biktima ay mga opisyal at miyembro ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa Gitnang Luzon.
Ayon kay Mendoza, ang mga biktima ay dinakip ng pulisya noong Lunes ng umaga habang nagpupulong sa bahay ni De Jesus sa Hensonville, Barangay Malabanias, Angeles City, kung saan ay pinag-usapan ang isasagawang mass transport strike sa mga lalawigan ng rehiyon sa Lunes, Hulyo 10.
Napag-alamang matapos na madakip ang pito ay nakumpiskahan ng mga pampasabog, subalit pinabulaanan ng pito ang akusasyon ng mga awtoridad.
Gayon pa man, nangangamba ang mga militante sa misteryosong pagkawala ni Lipio na posibleng may kinalaman ang military na pinabulaanan naman nito. (Dino Balabo)