Ayon kay Col. Tristan Kison, hepe ng AFP-PIO, naunang niratrat ng mga rebelde ang isang detachment ng Police Regional Mobile Group sa Sitio Talaba, Barangay Burgos, San Jacinto, Masbate, may ilang metro lamang ang layo mula sa cell site ng Globe Telecom.
Wala namang nasugatan o nasawi sa insidente matapos ang dalawang minutong putukan at habang papatakas ang mga rebelde ay niratrat naman ang bahagi ng hacienda na pag-aari ng pamilya Honasan na ikinasawi ng dalawang obrero na sina Palmarin Martinez at Dominico Delacasa.
Sa naunang ulat ng pulisya, ang dalawang napatay ay lulan ng truck ng baka mula sa loob ng Hacienda Batuan at patungo sana sa Maynila nang masabugan ng landmine at ratratin ng mga rebelde.
Lumilitaw sa magkahiwalay na ulat na ang nabanggit na hacienda ay pag-aari ng pamilya Resurrecion, samantalang sa ibang ulat, lumalabas na ang Hacienda Batuan ay pag-aari ni Bobby Honasan, pinsan ni dating Senador Gringo Honasan.
Pinaniniwalaan naman ng pulisya na may kaugnayan sa pagtangging magbigay ng revolutionary tax sa mga rebelde kaya pinasabog ang truck. Kaugnay nito, naglunsad na nang malawakang operasyon ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya laban sa mga rebeldeng NPA. (Joy Cantos at Ed Casulla)