Ang kahilingan ng pamilya ni Tubig ay alinsunod sa makupad na imbestigasyon ng Intelligence and Investigation Office (IIO) ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kung saan hanggang sa kasalukuyan ay blangko pa rin sa nangyaring krimen.
Ibig ng pamilya Tubig na manguna ang NBI sa pangangalap ng impormasyon upang matukoy kaagad kung sino at anong grupo ng sindikato ang nasa likod ng pamamaslang at upang mapadali ang paglutas sa kaso.
Nangangamba ang pamilya Tubig na baka magkaroon ng whitewash ang imbestigasyon at mauwi lamang sa wala ang kaso sa kabila ng kilala ng mga tauhan ng IIO ang pangunahing suspek base sa ibinigay na diskripsiyon nito ng ilang nakasaksi sa krimen na kabilang sa isang malaking armadong grupo na kumikilos sa loob ng SBMA.
Inamin naman ng isang opisyal ng PNP-CIDG na tumangging magpakilala na hindi sila pinayagan ng IIO na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon dahil hurisdiksyon umano ng SBMA ang naganap na krimen.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkabahala ang samahan ng mga locators sa freeport zone kung saan sinasabing nabalot ng tensyon ang kanilang pang-araw-araw na negosyo sa naganap na paglikida kay Tubig.
Ayon sa opisyal ng grupong Automotive Re-builders Association of Subic (ARAS) na tumangging magpakilala, ang pagpatay kay Tubig at sa bodyguard nito na si Rommel Pineda ay nagdulot ng sobrang takot sa mga negosyante.
Matatandaang si Tubig, may-ari ng Delki Subic Auctioneers at bodyguard nito ay niratrat ng isang hindi pa kilalang lalaki sa labas ng kanyang opisina sa Boton Area, Subic Bay Freeport Zone kung saan malubhang nasugatan ang in-house security guard na si Dan Garin na ngayon ay ginagamot sa ospital. (Jeff Tombado)