Trader, alalay nilikida sa SBMA

SUBIC BAY FREEPORT – Lingguhang intelihensya ang pinaniniwalaang pangunahing motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang kilalang negosyante ng hindi kilalang lalaki na nagresulta rin sa pagkamatay ng kanyang alalay sa naganap na kauna-unahang karahasan sa loob mismo ng Subic Bay Freeport Zone sa ilalim ng pamamahala ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa James L. Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City ang biktimang si Oldarico "Ric" Tubig, 41, ng Hoven St., Barangay Bago-Sacan, Porac, Pampanga, samantalang namatay naman habang ginagamot sa Total Life Care Medical Center ang personal bodyguard nito na si Rommel Pineda.

Nasa kritikal na kalagayan ang isang in-house security guard na si Donald Garin na kasalukuyang nasa intensive care unit ng nasabing ospital dahil sa mga tama ng ligaw na bala ng baril.

Base sa nakalap na impormasyon mula sa ilang saksi sa krimen, pasado alas-7 ng gabi nang paslangin si Tubig ng isang lalaki na nakilala lamang sa alyas na "Vanguard".

Napag-alamang bago maganap ang krimen ay dumating ang suspek sa opisina ni Tubig sa Asia International Auctioneers (AIA) na matatagpuan sa Boton Area, Subic Bay Freeport Zone para kolektahin ang lingguhang intelihensya nito mula sa hindi pa malamang transaksyon.

Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek sa halagang iniabot ng una kung kaya’t tuluy-tuloy ang naging argumento na umabot pa ang mga ito sa labas ng compound ng opisina hanggang sa umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok ng baril.

Dito namataan ni Pineda ang pagbaril ng suspek sa kanyang amo at nang akmang bubunot ng kanyang pistola ay pinaputukan na rin ng M-16 Armalite rifle kung saan nadamay si Garin na nasa loob ng compound.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaslang lulan ng isang kulay itim na Mazda na hindi nabatid ang numero ng plaka na pinaniniwalaang nasa loob pa rin ng Subic Bay.

Sa kasalukuyan ay blangko pa rin ang pamunuan ng pulisya sa Olongapo City na nag-iimbestiga sa nasabing krimen at sinisisi ang Intelligence and Investigation Office (IIO) ng SBMA dahil sa tumangging magbigay ng kanilang inisyal na pagsisiyasat sa pulisya at ang pagpapatupad muli ng news blackout. (Jeff Tombado)

Show comments