AURORA Kamatayan ang tinahak na landas ng isang espiya ng pamahalaan matapos na pagbabarilin ng mga rebeldeng New Peoples Army habang tumatawid sa ilog na sakop ng Sitio Samboy, Barangay Calabangan, Casiguran, Aurora noong Martes ng umaga. Tatlong bala sa katawan ang tumapos sa buhay ni Staff Sgt. Allan Señeres ng 71st Military Intelligence Company (MICO) ng 7th Infantry Division ng Philippine Army. Base sa ulat, ang insidente ay nasaksihan ng sibilyang si Jonathan Banaag na siyang nag-ulat sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Dinalungan. Napag-alamang nasa di kalayuan si Banaag nang masaksihan ang brutal na pamamaslang. Hindi pa nakuntento matapos na bumulagta ang biktima ay nilapitan pa ng mga rebelde at tinangay ang nakasukbit na baril sa baywang na may tatlong magazine at pitaka.
(Christian Ryan Sta. Ana) Magsasaka natusta sa kidlat |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 38-anyos na magsasaka makaraang tamaan ng matalim na kidlat habang naglalakad patungo sa sinasakang palayan sa Purok 1, Barangay Payahan sa bayan ng Malinao, Albay kamakalawa. Nangingitim ang katawan ng biktimang si Domingo Lakandula matapos tamaan ng kidlat. Naitala ang insidente ganap na alas-7:45 ng umaga habang malakas ang buhos ang ulan. Napag-alamang katatapos pa lamang ng biktima na mag-almusal at masayang naglalakad sa gitna ng ulan nang biglang gumuhit ang matalim na kidlat. Animoy espadang apoy ang kidlat na tumama sa katawan ng biktima, ayon sa ilang nakasaksing magsasaka.
(Ed Casulla) Trader dinedo dahil sa selos |
LUCENA CITY May posibilidad na matinding selos kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 40-anyos na negosyante ng dating mister ng kasalukuyang live-in partner ng biktima sa Purok Baybayin, Barangay Bocohan, Lucena City kamakalawa. Napuruhan sa sintido ang biktimang may-ari ng junkshop na si Reynaldo Pancipaye. Ayon kay P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, Lucena police chief, hinarang ng suspek ang traysikel na sinasakyan ng biktima saka niratrat. Napag-alamang sa ulat ng pulisya na nakipaghiwalay sa tunay na asawa ang kinakasamang babae ng biktima at ito ang naging dahilan upang magtanim ng galit ang suspek na may alyas Baang.
(Tony Sandoval) Kotse vs jeepney: Konsehal patay |
BATANGAS Isang 48-anyos na konsehal ng bayan ang iniulat na namatay, samantalang tatlo naman ang sugatan matapos na sumalpok ang sasakyan ng una sa pampasaherong jeep sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas, kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Supt. Flaviano Garcia, hepe ng Sto Tomas PNP, ang nasawing biktimang si Angel Maloles ng Barangay San Felix, Sto Tomas, Batangas. Ayon sa report, bandang alas-11:00 ng gabi habang minamaneho ni Maloles ang Toyota Revo (WKU-393) sa kahabaan ng highway nang mawalan ng kontrol at sumalpok sa kasalubong na pampasaherong jeepney. Hindi na umabot ng buhay si Maloles matapos isugod sa St. Cabrini Medical Center, samantalang sugatan naman ang drayber ng jeep na si Elmer Tarlac at mga pasaherong sina Adelino Tarlac at Rene "Boy" Capili.
(Arnell Ozaeta)