CAMP OLIVAS, Pampanga Bigong matupad ang pagiging mahusay na singer ng isang obrero makaraang pagtulungang gulpihin hanggang sa mapatay ng dalawang hindi kilalang lalaki sa labas ng videoke bar sa Barangay San Matias, Sto. Tomas, Pampanga kamakalawa ng gabi. Nagtamo ng maraming pasa sa katawan ang biktimang si Alberto Manansala na kinainggitang kumanta ng dalawang senglot na lalaki habang umiinom ng alak. Wala namang nakakilala sa mga suspek na biglang naglaho sa dilim.
(Resty Salvador) Motorsiklo vs van: Jail guard todas |
RIZAL Naging masaklap na kamatayan ang sinapit ng isang 40-anyos na jail guard makaraang sumalpok ang motorsiklo nito sa kasalubong na delivery van sa kahabaan ng Baytown Road na sakop ng Barangay Kalayaan, Angono, Rizal kahapon ng umaga. Idineklarang patay sa Angono General Hospital ang biktimang si JO1 Arlene Elio na nakatalaga sa Angono BJMP at residente ng Del Mundo St., ng nabanggit na barangay. Nakapiit naman ang drayber ang van (RCA 750) na si Michael Rodriguez, 29, ng Barangay San Vicente. Ayon kay SPO1 Edgar Petalvero, nag-overtake ang motorsiklo ng biktima sa sinusundang sasakyan, subalit hindi naiwas sa kasalubong na van.
(Edwin Balasa) Mag-ama grinipuhan, kritikal |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang mag-ama makaraang pagtulungang saksakin ng apat na kalalakihan habang ang mga biktima ay natutulog sa kanilang bahay sa Barangay Maolingon sa bayan ng Mandaon, Masbate, kamakalawa ng madaling-araw. Kasalukuyang ginagamot sa Masbate Provincial hospital ng mag-amang sina Gaudencio Rufo, 44, drayber at anak na Christina Rufo, 17, college student. Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Ramil "Bong" Arguelles, Renil "Condor" Roxas, Mark Roxas at Jomar De Los Angeles na pawang naninirahan sa nabanggit na barangay. Patuloy na inaalam ng pulisya ang tunay na motibo ng krimen.
(Ed Casulla) Globe cell site sinalakay NPA |
CAMP CRAME Sinalakay at sinunog ng mga rebeldeng New Peoples Army ang isa na namang cell site ng Globe Telecommunications sa bayan ng Pantukan, Compostella Valley kamakalawa ng hapon. Ayon kay Col. Tristan Kison, hepe ng AFP-PIO, walang nagawa ang mga guwardiya ng cell site matapos pasukin ang naturang lugar dakong alas-3:30 ng hapon. Binuhusan ng gasolina ang cabin ng cell site saka sinilaban. Naniniwala si Kison na pangunahing motibo ng NPA ay ang hinihinging revolutionary tax mula sa namamalakad ng nasabing cell site.
(Joy Cantos) Inhinyero ng DPWH, nilikida |
CAMP CRAME Walang nagawa sa karit ni kamatayan ang isang 44-anyos na kawaning inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) makaraang ratratin ng mga hindi kilalang kalalakihan ang sasakyan ng biktima sa bahagi ng Vigan City, Ilocos Sur, ayon sa ulat kahapon. Hindi na naisalba ng mga doktor sa Gabriela Silang General Hospital ang biktimang si Engineer Danilo Quiparas, may-asawa, kawani ng DPWH na nakabase sa Candon City at residente ng Barangay Pao, Vigan City. Napag-alamang ipaparada sana ng biktima ang kanyang Kotse (TDC 420) sa parking lot na sakop ng Nueva Segovia St., Barangay 1, ng nabanggit na lungsod nang lapitan at pagbabarilin.
(Joy Cantos) 2 sibilyan dedo sa sakuna |
QUEZON Hindi nasilayan ang buong pamilya ng isang drayber ng van at isang sibilyan makaraang masalpok ng kasalubong na pampasaherong bus sa kahabaan ng Barangay Binutas sa bayan ng Calauag, Quezon kahapon. Karit ni kamatayan ang sumalubong sa biktimang si Juvencio Valena, drayber ng van na may plakang DLH 247 na patungo sana sa bayan ng Lopez, Quezon, habang bineberipika pa ang isang nasawing sibilyan. Napag-alamang patungo sa Maynila ang Barney Transit Bus (DVN 836) na minamaneho ni Edralin Pangilinan nang maganap ang sakuna dakong ala-una ng hapon. Tumakas naman ang drayber ng nasabing bus matapos ang insidente.
(Tony Sandoval)