14-anyos ni-rape ng pinsan at barkada, utol tinodas

CAMP CRAME – Isang 14-anyos na dalagita ang halinhinang ginahasa ng kanyang teenager na pinsan at barkada nito na kapwa hinihinalang bangag sa droga matapos patayin sa saksak ang kuya ng dalagita sa loob ng kanilang tahanan sa San Carlos City, Pangasinan kamakalawa.

Nasa state of shock pa rin sa Virgen Milagrosa Medical Center ang biktimang itinago sa pangalang Anna na pinagsasaksak rin ng mga suspek matapos halayin at ang namatay na kuya nito ay itinago naman sa pangalang Richard, 16-anyos.

Nahaharap naman sa kasong rape, homicide, frustrated homicide at robbery ang mga suspek na itinago sa mga pangalang Alvin, 17 at Christopher, 16; pawang residente ng Brgy. Caingal ng lungsod na ito.

Ang mga biktima at ang suspek na si Alvin ay napag-alamang magpinsang buo.

Batay sa report ni San Carlos City Police Chief Supt. Johnny Bacbac, may indikasyon na lango sa ipinagbabawal na gamot ang mga suspek nang isagawa ang krimen kaya’t isinailalim na nila ang mga ito sa drug test matapos masakote.

Bandang alas-9 ng gabi nang maganap ang krimen sa tahanan ng mga biktima sa Brgy. Caingal habang ang mga suspek ay nakipanood ng telebisyon.

Ayon sa imbestigasyon, sinundan ng mga suspek si Richard sa kuwarto nito na nagpaalam na para matulog saka pinagsasaksak. Matapos ay pinasok naman nila sa kanyang kuwarto ang biktima at halinhinang ginahasa.

Hindi pa nakuntento ay pinagsasaksak rin ng mga suspek ang dalagita. Sa pag-aakalang patay na ang dalagita ay mabilis na naghalungkat na mga gamit at pera na matatangay bago sila nagsitakas.

Nagawa namang makahingi ng tulong ang biktima sa kanyang mga kamag-anak kahit ito ay duguang gumapang palabas ng silid.

Agad namang nasakote ang mga suspek at narekober ang kanilang mga ninakaw. (Joy Cantos)

Show comments