Kinilala ni Major Jose Broso, Public Information Officer ng Philippine Army-Southern Luzon Command, ang napatay na sundalo na si Private First Class Joel Arquerro ng 9th Scout Ranger Company, 3rd Scout Ranger Battalion ng Philippine Army sa Bicol region.
Bineberipika pa ang pagkikilanlan ng dalawang rebelde na miyembro ng Bicol Regional Party Committee ng New Peoples Army na nagkukuta sa Camarines Sur.
Ayon kay Broso, bandang alas-5:10 ng umaga nang nakatanggap ng impormasyon ang militar mula sa mga residente ng Barangay Monte Calbario sa bayan ng Buhi na may limang armadong kalalakihan ang umaaligid sa kanilang lugar.
Agad naman na ipinag-utos ni Scout Ranger Battalion Commander Lt. Col. Macairog Alberto, na suyurin ang nabanggit na barangay sa pangunguna ni 1Lt. Antonio Timbal hanggang sa sumiklab ang madugong bakbakan.
Tumagal ng ilang minuto ang putukan hanggang tumumba ang dalawang rebelde at si Pfc. Arquerro habang nagsitakas naman ang tatlo pang rebelde na pinaniniwalaang sugatan sa kalapit na Barangay San Raphael at tinutugis na rin ng mga sundalo.
Narekober ang dalawang M16 Armalite rifle, dalawang rifle grenades, dalawang granada, dalawang bandoliers, isang pirasong-two way radio, siyam na pirasong M16 magazines, tatlong backpacks na may lamang personal belongings at mga subersibong dokumento.
Ayon pa kay Broso, makakatanggap ang mga anak ni Pfc. Arquerro ng full high school at college scholarship program sa ilalim ng programang Armed Forces of the Philippines Educational Benefit System na ipinagkakaloob sa mga pamilya ng napapatay na sundalo habang nasa duty. (Ed Casulla At Arnell Ozaeta)