Alkalde naaktuhan sa pangingikil

BAGUIO CITY – Winasak ng isang alkalde ng Mt.Province ang kanyang kinabukasan makaraang maaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Cordillera sa kasong pangingikil laban sa nanalong bidder ng mga gamot sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Barlig, Mt. Province.

Si Mayor Crispin Fias-ilon, 59, ng bayan ng Barlig, Mt. Province, ay naaktuhan ng NBI na tumatanggap sa marked money mula sa nagreklamong si Anthony Costes, ahente ng Blessed John Pharmaceutical Co., na isinagawa noong Biyernes ng tanghali sa loob ng Sunshine Restaurant, Baguio City.

Ayon kay NBI Lawyer Darwin Lising, humihingi si Mayor Fias-ilon ng 15-porsiyentong komisyon nito sa nasabing kumpanyang nanalong bidder para sa supply ng mga gamot sa kanilang bayan na nagkakahalaga ng P302,478.

Ayon kay Costes, nanalo sila sa bidding noong Marso 2006 at sinimulan nilang i-deliver ang medical supplies noong Abril hanggang sa Mayo‚ Hunyo at dito na nag-demand ng halaga si Mayor Fias-ilon nang maniningil na sila ng bayad sa munisipyo.

Nabatid na ipinaalam ni Costes sa kanilang kumpanya ang nasabing transaksyon, subalit walang linaw sa pagpayag nito sa tinuran ng nasabing alkalde, at sa halip ay nagtungo sa Department of Interior and Local Government, para ireklamo hanggang sa atasan ang NBI na magsagawa ng nasabing operasyon.

Tumangging magbigay ng pahayag si Mayor Fias-ilon, habang isinasampa ang kaukulang kaso sa Baguio Prosecutor’s Office. (Artemio A. Dumlao)

Show comments