Kinilala ni P/Chief Supt. Eliseo de la Paz, regional director, ang mga napatay na guwardiya na sina Jail Officers 1 Isagani Nuez at Edwin Miranda habang sugatan naman sina Dennis Tonog at Edgar Ponio.
Kabilang sa presong tugis ng mga awtoridad ay nakilalang sina Jessie Arnel Galicio, alyas "Ka Giroy", isang rebeldeng New Peoples Army na dalawang ulit nang nakapuga; Gilbert Bernabe, Tipan Jackson, Allan Bantilo, Arnold Jaropohop, John Masangkay, Valentin Mendez, Brigido Mendez, Jose Paet, Rizal Paet, Roan Robilles at Roy Rosila na pawang may kasong murder at homicide.
"My order is to shoot them on sight once they resist arrest," pahayag ni De la Paz na nagsabi pang armado at mapanganib ang mga presong nakapuga.
Sa inisyal na imbestigasyon, armado ng puslit na baril ang isa sa preso kaya nagawang barilin ang isa sa guwardiya na ikinasawi nito.
Matapos namang marinig ang putok ng baril ay sumugod ang isa pang guwardiya at binaril at napatay rin ito matapos na kuyugin ng grupo ng mga bilanggo.
Sa puntong ito ay nagkaroon nang komosyon na ikinasugat ng dalawa pang guwardiya habang mabilis na tumakas sa pamamagitan nang pagtalon sa mataas na bakod ang iba pang preso.
Nagawa ring matangay ng mga bilanggo ang tatlong shotgun, isang 9mm pistol at isang cal . 357 revolver.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan kung paano nakalusot ang baril papasok ng bilangguan na posibleng kapabayaan ng mga guwardiya.
Ayon sa pulisya, ang naganap na jailbreak ay ika-17 sa taong kasalukuyan na may 76 preso ang nakapuga.
Noong 2005, aabot sa 51 jailbreak ang naitala na nagresulta sa pagkakatakas ng 141 preso.
Notoryus sa buong mundo ang bilangguan sa bansa na may pinakamaraming butas, mga tiwaling guwardiya, di makataong kulungan at makalumang pasilidad kaya kalimitang nagaganap ang jailbreak. (Joy Cantos at may dagdag ulat ng AP)