Ayon sa source, napag-alamang minamadali na ang pagpasa ng isang resolusyon ng konseho na may kaugnayan sa pagtanggal sa live coverage ng STV-6-Olongapo na lingguhang ipinapalabas sa lokal na telebisyon.
Nabatid na pumabor ang labing-isang konsehal na kapanalig ng administrasyon para alisin sa ere tuwing Miyerkules ang isinasagawang session ng konseho dahil sa mga nakukuhang negatibong komento mula sa mga mamamayan na sumusubaybay sa naturang programa.
Kabilang sa mga negatibong komento na kanilang natanggap ay ang walang ibang ginawa ang mga konsehal sa loob ng sesyon kundi ang magpapogi at magpaganda lamang sa harap ng kamera at ang mga kaduda-dudang transaksyon sa mabilisang pagpasa ng resolusyong may kinalaman sa pagpapalabas ng milyong pisong pondo para sa kani-kanilang proyekto.
Kaugnay nito, ay dumagsa sa Olongapo City Hall ang mga tagasubaybay ng programa na umaangal sa kagustuhan ng mga konsehal na alisin ang pagpapalabas ng sesyon sa telebisyon.
Isang konsehal naman na kaisa-isang miyembro ng oposisyon ang hindi sumang-ayon sa binabalak ng kanyang mga kasamahan sa konseho dahil sa pagsikil sa karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan at dapat lamang magkaroon anya ng transparency at information disseminations ang bawat mamamayan. (Jeff Tombado)