Ayon kay P/ Senior Supt. Oscar Fiesta, ang militanteng si Rafael "Markus" Bangit, 45, ay kabilang sa tribong Malbong at residente ng Barangay Tomiangan, Tabuk, Kalinga.
Nakilala naman ang nadamay na school principal na si Gloria Casuga ng Quezon National High School na nakabase naman sa bayan ng Quezon, Isabela.
Si Bangit na naging provincial coordinator ng militanteng grupong Bayan Muna noong 2004 ay kasalukuyang spokesperson ng grupong Binodngan Peoples Organization (BPO), isang samahan ng mga elders at leaders sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa pagsisiyasat, dakong alas-7:15 ng gabi kamakalawa (June 8) nang maganap ang insidente sa harapan ng Adelyns Restaurant sa bahagi ng Barangay Quezon, San Isidro matapos mag stop-over ang GL Trans Bus (AYC-540) patungong Baguio City na sinasakyan ng mga biktima.
Napag-alamang sumakay sa nabanggit na bus si Bangit sa bayan ng Tabuk habang ang nadamay na si Casuga na dadalo sana sa seminar ay sumakay ng bus pagsapit sa bayan ng Quezon, Isabela.
Subalit matapos mag-stop over ang bus na sinasakyan ng dalawa kasama ang ibang pasahero upang kumain ay biglang sumulpot ang mga naka-bonnet na kalalakihang sakay ng isang kulay asul na Delica van at pinagbabaril si Bangit.
Ayon pa sa mga nakasaksi, nang makita ng mga killer na bumulagta na si Bangit ay pinagbabaril pa rin ito hanggang sa madamay ang school principal na tinamaan din ng bala sa katawan.
Lumalabas na si Bangit ang target, subalit hindi na nila maiwasang madamay sa pamamaril ang school principal na si Casuga.
Nabatid na si Bangit ay kauna-unahang aktibista na pinatay mula sa Cordillera at ika-99 na militanteng pinaslang ngayong 2006 at ika-679 sa kabuuan mula pa noong 2001. (Victor Martin At Joy Cantos)