Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) na pinamumunuan ret. Major Gen. Glen Rabonza, may nakalatag ng contingency measure ang tanggapan ng Provincial Disaster Coordinating Center (PDCC) habang patuloy naman ang monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS) sa kondisyon ng pag-aalburuto ng Bulusan Volcano.
Kasalukuyan ay ipinatutupad ang 4 kilometer radius permanent danger zone para maiwasan ang panganib at namahagi na ang mga kinauukulan ng mahigit 1,000 gas mask sa mga residente sa pangambang tuluyang sumabog ang naturang bulkan na may taas na 5,133 talampakan.
Mula sa Alert Level 1 ay itinaas na sa Alert Level 2 sa layuning maialerto at maidistansya ang mga residente ng 25 barangay na malapit sa paligid ng bulkan.
Nabatid na dakong alas-8:17 ng gabi nang magbuga ng toneladang abo ang bulkan sa taas na dalawang kilometro sa himpapawid.
Sinabi ni Rabonza na libu-libong residente partikular mula sa mga bayan ng Casiguran, Irosin at Juban sa Sorsogon ang tinamaan ng ibinugang abo kaya sinuspinde ang lahat ng klase sa elementary at hayskul.
Pansamantalang pinagbawalan ang mga residente sa tatlong bayan na huwag iinom ng tubig mula sa mga balon na pinaniniwalaang kontaminado ng abo.
Napag-alamang ikalimang beses nang sumabog ang nasabing bulkan mula noong Marso 21, 2006 at nasundan noong Abril 29, Mayo 25, Hunyo 1 at kamakalawa na unang nag-alburoto noong 1995.
Samantala, nananatili naman sa Alert Level 1 ang bulkang Mayon sa Bicol at Taal, Batangas.