CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New Peoples Army ang isang 30-anyos na magsasaka na pinaniniwalaang tiktik ng militar at pulisya sa isa na namang karahasang naganap sa Barangay Francisco, Bula, Camarines Sur, kahapon ng madaling-araw. Duguang bumulagta sa likurang bahagi ng kanilang bahay ang biktimang si Herminio Adiova, samantalang hindi naman sinaktan ang asawa ni Herminio na nasa loob ng sariling bahay. Napag-alamang pinasok ng mga rebelde ang bahay ng mag-asawang Adiova na kasalukuyang natutulog kung saan kinaladkad palabas ang lalaki at isinagawa ang krimen. Wala namang naging batayan ang mga rebelde sa nabanggit na akusasyon, ayon pa sa ulat.
(Ed Casulla) CAMP CRAME Isang 35-anyos na kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit na nagbibigay ng seguridad sa proyektong tree planting ng lokal na pamahalaan ang napatay matapos na mabaril ng mga rebeldeng New Peoples Army sa Tugpon Bridge, KM 9, Barangay Marbon sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur kamakalawa. Si Ronal Manlapaz na kabilang sa Armys 23rd Infantry Battalion sa ilalim ng 4th Infantry Division ay inatake ng mga rebelde habang nagbibigay ng seguridad sa mga kawani ng lokal na pamahalaang isinasagawa ang tree planting project sa nabanggit na barangay. Naitaboy naman ang mga rebelde matapos ang ilang minutong putukan.
(Joy Cantos) Ama patay, 2 anak sugatan |
CAMP OLIVAS, Pampanga Isang ama ng tahanan ang nasawi, samantalang dalawang anak nito ang nasugatan makaraang mabundol ng truck ang kanilang sinasakyang traysikel sa provincial road na sakop ng Barangay Sta. Monica sa bayan ng Mexico, kamakalawa. Ang biktimang drayber ng traysikel ay nakilalang si Gerardo Balatbat, samantalang ginagamot sa ospital ang dalawang anak na sina Geraldo, 1; at Gerald, 10, pawang nanirahan sa nabanggit na barangay. Naaresto naman ng pulisya ang drayber ng truck (UCB-644) na si Rolly Felipe ng San Luis, Pampanga at pormal na sasampahan ng kaukulang kaso, ayon kay P/Chief Insp. Bernardo Perez, hepe ng pulisya sa bayan ng Mexico.
(Resty Salvador)